BALITA | PH not truly free — diin ng iba’t ibang sektor sa Araw ng Kalayaan

Iginiit ng multi-sektoral progressive groups ang tunay na kalayaan at karapatan sa soberanya ng bansa laban sa United States at China sa isinagawang kilos-protesta sa kahabaan ng Roxas Boulevard patungo sa US Embassy sa ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan kahapon, Hunyo 12.

Kinondena rin ng iba’t ibang grupo ang political at military interventions ng US sa mga usapin ng bansa na siyang nakakaapekto sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China at pinahihintulutan ng administrasyong Marcos Jr. 

Ani House Deputy Minority leader at Alliance of Concerned Teachers (ACT Teachers) Party-list Representative France Castro sa nangyaring mobilisasyon, hindi tunay na malaya ang Pilipinas mula sa US dahil nananatiling pangunahing banta ito sa pambansang soberanya na nagpupumilit palaganapin ang presensyang militar nito at palakasin ang impluwensiya nito laban sa umuusbong na giitan sa Tsina.

“It is clear that the US is the principal oppressive power in the Philippines, while China has also become a participant in the struggle for dominance in the region. But the roots of US hegemony in our economy, politics, culture, and military run deeper and wider,” dagdag pa ni Castro.

Binigyang diin din ni Castro kung paano nananatiling nakakulong ang bansa at sinasalot ng maraming isyu sa lipunan, katulad na lamang ng patuloy na paglabag sa karapatang pantao ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin.

“Huwad na kalayaan ang meron tayo, hangga’t may dominasyon ng mga dayuhan, pangingialam ng mga dayuhan whether it is in the West Philippine Sea or sa ating mga kampo kung saan merong sundalong amerikano. Huwad na kalayaan hangga’t hindi Filipino ang may control sa ating politika, ekonomiya at pagtahak ng kinabukasan,” pahayag naman ni Mong Palatino, secretary-general ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).

Ayon kay Jerome Adonis, mula Kilusang Mayo Uno, magkasabwat ang rehimeng Marcos at US sa paglabag ng mga karapatan ng mga manggagawa, at programa ng pagsisinungaling, panlilinlang, at pagkakampi sa imperyalistang interes ng Estados Unidos ang isinasagawa ni Marcos Jr. Base pa kay Adonis, 72 labor leaders at organizer ang napatay na sa Pilipinas mula noong 2016. 

“Klaro na papet, pasista, at kontra-mamamayan ang administrasyong Marcos sa kanyang pagharang ng tunay na reporma sa lupa,” dagdag pa ni Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Saad naman ni Elle Buntag mula League of Filipino Students, ang mahabang listahan ng mga krimen ng US laban sa mamamayang Pilipino ay umaabot pa sa mga digmaang Espanyol-Amerikano at Pilipino-Amerikano, at ang mga krimeng ito ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan kasama ang pang-aabuso sa kababaihan at mga bata malapit sa mga base militar ng US.

“Manipestasyon ng pagpapakatuta ng administrasyong Marcos sa imperyalismong US na hinaharangan tayo ngayon ng kapulisan papuntang embahada ng US,” ani pa ni Buntag sa pagharang ng kapulisan na makapunta ang iba’t ibang grupo sa US Embassy.

Ipinanawagan din ng mga grupo na bukod sa dapat kundenahin ang panghihimasok ng China sa West Philippine Sea, dapat ding umanong suriin ang “US Machinations” katulad na lamang ng pagkakasangkot ng Washington sa maraming tunggalian at digmaan, kabilang na ang patuloy na genocide na ginagawa ng Israel laban sa mga Palestinian.

“Bakit tayong mga Pilipino ang sinasabak sa giyera? Mula Palestine hanggang Pilipinas, madugo ang kasaysayan ng Estados Unidos,” diin ni Clarice Palce mula Gabriela.

Sa kabilang banda, iwinagayway ang watawat ng Pilipinas at nagkasa ng pagtitipon ang grupong People’s Solidarity sa Plaza Miranda sa harap ng Quiapo Church. Kasabay nito ay ang kilos-protesta ng Bunyog Pagkakaisa Party sa harap ng isang gusali sa Makati City na kinaroroonan ng Chinese Embassy.

Nagsagawa rin ng kilos-protesta ang mga progresibong grupo sa Cebu mula Plaza Independencia hanggang Colon, bitbit ang panawagan na pagpapalaya sa West Philippine Sea mula sa China at oposisyon laban sa Charter Change.

“Ang challenge sa ating mga kababayan [ay] nasa atin ang aksyon para tayo ay maging tunay na malaya sa pamamagitan ng pagkilos para baguhin ang ating kalagayan,” ani Castro.

✒️: Grace Villena
📸: Jhon Laurence Eso

Published by The Catalyst

Opisyal na pahayagang pang mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) na 37 taon nang nagsisilbi para sa interes ng mga estudyante at mamamayan.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started