Takot sa progresibong libro ang pasistang estado

Duwag ang rehimeng Duterte sa kritikal at progresibong diwa ng mga mamamayan, manipestasyon nito ang desperadong pagkontrol sa ideolohiya ng masa. Kasunod ng serye ng  redtagging at panunupil sa malayang pamamahayag, kinokosolida ng estado ang kapangyarihan nito upang ipatanggal ang mga libro, pamplet, pananaliksik at anumang babasahing may kinalaman sa komunismo, sosyalismo, marxismo o sa iba pang komunistang ideya sa Pilipinas sa mga silid-aklatan ng State Universities and Colleges (SUCs). Huwad itong proteksyon at malinaw na pagsabotahe lamang sa akademikong espasyo upang patahimikin ang mga boses na sumasalungat at pigilan ang mga diwang sumusulong tungo sa tunay na makamasang lipunan. Hindi marunong lumaban ng patas at pataksil kung umatake ang reaksyunayong estado’t militar.

Inalis na sa Kalinga State University (KSU), Isabela State University (ISU) at Aklan State University (ASU) ang mga libro at babasahin ukol sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ilan pang itinuring ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) na ‘subersibo’, balighong bansag nito sa mga progresibong akda. Wala sa mga rebolusyonaryong libro at ideolohiya ang panganib. Ang pamamasismo ng estado at ng reaksyunaryong AFP-PNP ang tunay na banta sa seguridad ng mga estudyante; ang tahasang ‘censorship’ at panghihimasok nito sa akademikong institusyon.

Paglabag ito sa akademikong kalayaan ng mga estudyante na kumalap ng ibang perspektiba. At para pahintulutan ito ng tatlong akademikong institusyon, lalo ni Ricmar Aquino, presidente ng ISU, na nagpahayag pa ng pagsuporta sa mga hakbang na ito ng administrasyon ay katraydoran sa buong akademya. Walang lugar sa mga pamantasan ang mga burukrata edukador tulad niya, sapagkat siya, sampu ng bawat pamunuan ng mga unibersidad, ang una’t huling may responsibilidad na ipagtanggol ang malayang espasyo. Takot ang rehimen sa kakayahan at talino ng kabataan at hindi dapat kinokonsinte ang pagnanais nitong kontrolin ang pagkilos nila sa pamamagitan ng paglimita sa mga babasahin na maaaring pagkuhaan ng ideya at kaalaman. 

Mali na tanggalan ng sanggunian ang mga estudyante sapagkat lilikha lamang ito ng kabataang pasibo sa impormasyon at walang kiming lumalantak ng anumang ihain sa kanila ng estado. Sang-ayon sa pahayag ni Chancellor Clement Camposano mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Visayas, na isa itong “existential threat” na nagbibigay ng maling signal sa mga kabataan, ang silid-aklatan na may limitadong paksa ay insulto at kawalan ng tiwala sa mga estudyante at pagkakait ng oportunidad sa paggamit ng kritikal na pag-iisip. Hindi lason sa utak ang mga babasahin, nagiging batayan pa ito ng aktibismo na nagpapakitang ang pagsunod ay hindi lang pawang pagsang-ayon kundi maging sa pagsalungat para sa mas ikabubuti ng lahat. 

Kritikal at mapanuri ang mensahe, teorya, at praktika na binabanggit sa mga libro. Naging subersibo lamang ito sa pananaw ng estado sapagkat una, pinapakita nito ang nabubulok na sistema ng lipunan (status quo) na pilit nilang pinapanatili. Pangalawa, may kakayahan ang libro na ipaalam ang tunay na kalagayan ng mga sektor at uri (magsasaka, manggagawa, petiburges at iba pa). Pangatlo, nilalantad nito ang imperyalista at kolonyal na kontrol sa Pilipinas at ang pahirap sa pang araw-araw na takbo ng lipunan—pyudalismo at burukrata kapitalismo, estadong nagsisilbing negosyo batay sa interes ng mga naghaharing-uri. Pang-apat, ayaw nilang maintindihan ng kabataan at mamamayan ang kawastuhan ng rebolusyon at panawagan ng mga progresibong grupo na ituloy muli ang usaping pangkapayapaan sa pagtugon sa tunay na reporma sa agraryo at pagtaguyod sa pambansang edukasyon at industriyalisasyon.

Pasista lang ang manghihilakbot sa mga progresibong libro, ang eksaktong mukha ng estado. Ito ang pinagtutuunan ng pansin kahit na kulang na kulang ang paghahanda sa muling pagbubukas ng klase na matagal nang isinisigaw ng hanay ng mga estudyante at edukador. Ligtas na balik-eskwela sa kabuuan ang kailangan, hindi lang kaligtasan mula sa banta ng virus kundi pati sa banta ng censorship sa mga silid-aklatan at lalong lalo, sa militarisasyon sa loob ng lahat ng pamantasan. 

Ang masahol na lantarang tinutularan ni Duterte ang mga naganap sa kasaysayan ng diktadurya. Sa rehimeng Marcos, ipinasara ang mga estasyon ng midya gaya ng ABS-CBN na nangyari rin sa kasalukuyan. Ipinagbawal ang mga palabas (Voltes V) at pelikula na magbibigay kamalayan sa paggamit ng armas at mga librong tumutuligsa sa pamahalaan, pinakakilala ang “The Conjugal Dictatorship” ni Primitivo Mijares na dating “media czar” ng diktador.  Gayundin sa rehimeng Nazi ni Hitler na sinunog ang milyon-milyong librong taliwas sa Nazismo, na naging mersenaryo at tumapos sa milyon-milyong buhay. Ngunit pinatunayan lang din ng mga ito na sa kabila ng walang habas na paniniil sa bayan, mas lalong lalaban ang pluma at tabak at hindi kailanman mapupuksa ang ideolohiya ng mga rebolusyonaryo; mananatili ito dahil ito ay wasto. 

Sa mas malaking lente, isa itong maliit na hakbang para sa plano ni Duterte na wakasan ang insurhensya sa bansa. Matapos gipitin ang malayang pamamahayag—pinasara ang ABS CBN, pinakulong ang mga kritiko tulad ni Maria Ressa—kalayaan naman ng akademya ang inaatake nito. Pinupuntirya ngayon ang mga silid-aklatan dahil simbolo ito ng karunungang sasapat para imulat, iorganisa at pakilusin ang mga Iskolar ng Bayan. Noong Pebrero ay tinapos na ang kasunduan sa pagitan ng UP at Department of National Defense na naglilimita sa operasyon ng militar sa loob ng kampus. Naisabatas rin ang Anti-Terrorism Law (ATL) na may mga problematikong probisyong maglalagay-alanganin sa mga progresibong grupo, maging sa mga karaniwang sibilyan, na mahatulang terorista. 

Malinaw na ito ay akto ng pasismo at militarisasyon. Hindi estudyante ang makikinabang sa pagtanggal ng mga librong ayon sa militar ay “subersibo” kundi ang pasistang estado na takot sa mga progresibo at hindi tumatanggap ng kritiko. Pananagutan ng lahat ng akademikong institusyon na tumindig laban sa ganitong atake. Kasabay nito, babawiin at ibabalik ng sangkaestudyantehan ang malayang espasyo ng ideolohiya at kaalaman sa silid-aklatan na marapat lamang nilang matamasa. 

Akda ni Isabela Abrera

Published by The Catalyst

Opisyal na pahayagang pang mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) na 34 taon nang nagsisilbi para sa interes ng mga estudyante at mamamayan.

One thought on “ Takot sa progresibong libro ang pasistang estado

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Create your website with WordPress.com
Get started
%d bloggers like this: