LATHALAIN | Palimos ng Lunas

Akda ni Jayson Manzolin
Disenyo ni Patricia Tenorio

Lunas sa mga delusyon ng pangulo.

Sa loob ng halos limang taong pamamalagi ni Duterte sa asylum, delusyon niya lang ang makapagsasabing may naging ambag ang kaniyang panunungkulan sa pag-ahon ng bayan. Mula sa mga pangakong binaon ng martilyo, patuloy na nagdurusa ang bayang nilugmok sa laylayan. Ito ang realidad na pilit tinatakasan ng administrasyon. Hanapan ng lunas ang kaniyang kahibangan, hilumin ang krisis na gumagapos sa bayan.

Room 1005-2016

Malacañang, San Miguel, Manila taong 2016. Ito ang kanlungan ng mga guni-guni ni Duterte kung saan nagsimula ang tunay na sakit ng bansa. Kanser kung ituring ni Gat Jose Rizal ang hindi malutas-lutas na suliranin sa maling pamamalakad ng gobyerno. Gayunpaman, ang problema sa korapsyon at ang silaw ng kapangyarihan ay nagagamot ng rebolusyon. Subalit kung patuloy na babaliwin ni Duterte ang sarili na ginagampanan niya ang kaniyang tungkulin sa loob ng kwadradong silid, tuluyan nang hindi masisilayan ng mga Pilipino ang inaasam na paghilom.

Sa paghigpit ng gapos ng pandemya, ang Pilipinas ay dahan-dahang hinehele ng dilim. Napupuyat ang mga Pilipino sa kakaisip kung paano babalik sa normal ang pamumuhay ng lahat. Milyun-milyong sikmura ang kumakalam at ginigipit ng labin-dalawang pisong sukli ng pagkayod dulot ng sobrang kahirapan. Sabay-sabay na nilulunod ng krisis ang bayan habang patuloy na pinapaslang ng administrasyon ang karapatan ng mga mamamayan. Ito ang kahibangan ni Duterte ukol sa aniya’y “paggawa ng paraan” upang iahon ang bansang Pilipinas. Isang delusyunal na berdugong taglay katangiang hindi angkop sa malinis na panunungkulan.

Kaugnay ng halos isang taong pagsasailalim ng bansa sa community quarantine, malapit nang pumalo ng 700,000 ang kasong naitala ng Department of Health (DOH) dulot ng banta ng COVID-19. Ayon sa datos ng OCTA Research, aabot sa 2,400 kaso bawat araw ang maitatala hanggang sa ika-26 ng Marso dahil sa lumuluwag na regulasyon ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila. Bunga ng kasabikan ni Duterte na muling palaguin ang pambansang ekonomiya, naging salik pa ito sa lubusang paglala ng bagsik ng sakit.

Dulot ng hindi maayos na pamamalakad ng diktador sa ikauunlad ng kondisyon ng mga Pilipino, mas nabaon pa ang kalagayan ng Pilipinas kumpara sa mga karatig bansa nito. Gayong dumating na ang kauna-unahang bakuna kontra COVID sa Pilipinas, lantarang natutunghayan ng bayan ang magulong sistema ng administrasyon ukol sa suplementasyon ng bakuna para sa lahat.

Mala-tutang ipinagtutulakan ni Duterte at ni DOH Secretary Francisco Duque III na mainit na tanggapin ng mga frontliners ang bakuna mula sa China, sa kabila ng mababang efficacy rate nito kumpara sa ibang mga bakuna sa merkado na mas mura at mas epektibo. Ito ang dahilan kung bakit ang mga Pilipino at karamihan sa mga medical frontliners ay patuloy na ipinaglalaban ang kanilang kalayaang pumili ng bakunang tutulong sa pagsangga laban sa COVID.

Ito ang patunay na hindi ganap na pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino ang desisyon ng gobyerno ‘di lamang dahil sa inkompetenteng pagkilos nito ngunit pati na rin sa pagiging sunud-sunuran ni Duterte na magpaalipin sa mga dayuhan. Kaakibat na rin ng mariing pag-amin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na “smuggled” ang ginamit sa matatandaang ilegal na pagbabakuna ng Presidential Security Group (PSG) ni Duterte, mahihinuha na hindi na dapat pang pagkatiwalaan ang pamahalaan. Dahil bago pa man dumating ang bakuna sa bansa, siniguro na ng rehimen na unahin ang kapakanan ng maruming administrasyon bago ang mga naghihikahos na mga mamamayang Pilipino.

Bakuna ng Masa, Pilipino Muna

Samantala, sumilip naman ang haplos ng paghilom sa pagdating ng mga bakuna sa bansa ngayong buwan ng Marso. Kaugnay ng efficacy rate na 70% ng AstraZeneca COVID-19 vaccine, 240,700 doses na ang lumapag sa bansa simula nitong nakaraang ika-6 ng Marso, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles. Ang bakunang ito ay higit na mas epektibo kumpara sa Sinovac Biotech COVID-19 vaccine ng China na sinimulan nang gamitin sa mga medical frontliners sa Philippine General Hospital (PGH) nitong ika-1 ng Marso. Sa katunayan, ang pagdating ng mga bakuna ay higit na makatutulong sa pag-unlad ng lumalalang kondisyon ng Pilipinas. Sa pamamagitan nito, higit na mababawasan ang mabilis na pagtaas ng kaso ng Covid sa bansa.

Sa kabilang banda, ang administrasyong Duterte at ang DOH ay halatang nahihirapan sa pamamahagi ng bakunang Sinovac sapagkat maraming Pilipino ang hindi lubusang nagtitiwala sa tagumpay ng bakuna dahil sa 50.4% efficacy rate nito. Ngunit, ilan sa mga opisyal ng pamahalaan at mga healthcare workers ng PGH maging ng iba pang ospital, ay pumayag na magpaturok ng Sinovac habang karamihan naman sa mga ito ay hinihintay ang pamamahagi ng ibang bakuna tulad ng AstraZeneca.

Ayon sa mga eksperto, malaki ang impluwensya ng efficacy rate sa bisa ng isang partikular na bakuna kaya magkakaiba ang pananaw ng mga Pilipino pagdating sa kung anong bakuna ang kanilang pipiliin. Mula rito, inaprubahan na ng World Bank ang tumataginting na P24.25 billion loan ng Pilipinas na ilalaan sa pagbili ng COVID-19 vaccines, nitong ika-12 ng Marso. Kung kaya’t inaasahan ang pagdating ng milyun-milyon pang doses ng bakunang Sinovac ngayong Marso habang inaantabayanan naman ang pagsalubong sa Moderna at Novavax COVID-19 vaccines sa darating na Mayo o Hunyo.

Kaakibat ng pagdating ng mga bakuna sa bansa, hinahanda na ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabakuna sa mga mamamayan. Uunahin ang mga frontliners at matatanda bilang mga taong pinakamadaling mahawaan ng naturang sakit bago pa man ipamahagi sa iba. Dagdag pa rito, inaasahan ang katapatan ng mga awtoridad na unahin ang masang Pilipino at magkaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa bawat isa. Hindi ito ang panahon ng pag-uunahan gaya ng nakagawian ng administrasyong Duterte bagkus, ito ay isang pangkalahatang karapatan na maki-angkop sa tapat na pagbabakuna sa bawat Pilipino.

Gayunpaman, pilit ikinakasa ng rehimen ang ‘di makatarungang pamamahala nito sa humihigpit na bigkis ng pandemya sa bansa. Sapagkat batay umano sa plano ng Department of Labor and Employment (DOLE), intensyon nitong ikalakal ang mga naghihikahos na Filipino health care workers kapalit ng 600,000 doses ng bakuna mula sa Germany at Britain. Tila kinakaladkad ng diktador ang mga bayaning nagmamakahirap gamutin ang bansa habang mas binigbiyan nito ng mas malaking halaga ang mga nananalig na hanay ng militar. Ganito na lamang ilampaso ng gobyerno ang mga medical frontliners na nagmamakaawang makakuha ng pahinga, dagdag na pasahod, maayos na sistema ng pamamalakad na sana’y ibinibigay ni Duterte bilang pagtanaw ng napakalaking utang na loob. Malasakit ang kailangan ng bawat Pilipinong hindi tumitigil na totoong pagsilbihan ang bayan sa kabila ng pagmamaltratong isinusukli ng pamahalaan. Kumapara sa pangingitil, ilegal na pag-aaresto at pagiging sunud-sunuran ng kapulisa’t militar, dito nakasentro ang tuon ng rehimen kaysa maglaan ng mas malaking benepisyo at respeto sa mga medical professionals.

Mula sa minimithing paghilom ng bansang Pilipinas, isang delusyon ang lahat ng kasinungalingan ni Duterte na maibangon muli ang mga Pilipino sa pagkakalugmok. Milyun-milyon pa rin ang nananatiling walang hanapbuhay, walang kakayahang makipagsabayan sa bagong sistema ng edukasyon, at buto’t balat na naghihintay ng ulan na maiinom at pagpag na mapagsasaluhan sa gitna ng dilim. Mistulang namamalimos sa paghilom ang masang api na gutom sa pananagutan ng berdugong rehimen. Sa kasagsagan ng isang taong pagkakatali ng bansa sa rehas ng pandemya, inaasam na ng bayan ang lunas ng kalayaan.

Published by The Catalyst

Opisyal na pahayagang pang mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) na 34 taon nang nagsisilbi para sa interes ng mga estudyante at mamamayan.

One thought on “LATHALAIN | Palimos ng Lunas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Create your website with WordPress.com
Get started
%d bloggers like this: